Hindi ikinatuwa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang patuloy na paghihintay ng ayuda ng maraming mahihirap na Pilipino.
Sa katunayan, sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nairita ang pangulo matapos malaman na hanggang ngayon ay hindi parin nakukumpleto ng ibat ibang local govt units ang pamimigay ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa naunang direktiba ng DILG hanggang kahapon lamang dapat ang pamamahagi ng unang tranche ng SAP pero ito ay pinalawig ng 4 hanggang pitong araw sa ilang lugar sa bansa.
Gayunpaman, naniniwala si Roque na nauunawaan ng Pangulo ang katwiran ng mga LGUs na hirap silang ipamudmod ang sap assistance sapagkat kailangan nilang ipatupad ang social distancing measures.
Hindi kasi pinapayagang dumagsa at magkumpol kumpol ang mga tao para kumuha ng kanilang cash assistance, bagkus kailangang i-schedule ng mga lgus at mga opisyal ng barangay ang pamimigay ng ayuda.
Target ng gobyerno na bigyan ng lima hanggang walong libong piso ang nasa 18milyong low income families.
Kasunod nito, umaapela ang Palasyo sa mga lgus na tapusin na ang pamimigay ng unang bahagi ng SAP at hwag nang hintayin pa ang deadline upang masimulan narin ang pamamahagi ng 2nd tranche ng Sap ngayong bwan ng Mayo.