Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya haharap sa anumang paglilitis sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang giyera kontra droga.
Ito ay matapos aprubahan ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang resolusyon ng Iceland para imbestigahan ang umano’y extrajudicial killings o EJK sa Pilipinas.
Sa panayam ni Pastor Apollo Quiboloy sa Pangulo, iginiit nito na kahit ipilit pa ng ibang bansa ay hinding-hindi siya haharap sa anumang international court.
Kinontra rin ng Pangulo si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. na hindi puputulin ng bansa ang diplomatic relations sa Iceland.
Sa usapin sa West Philippine Sea, aminado ang Pangulo na mahirap pigilan ang mga Chinese na mangisda sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Hangga’t maaari ay nakikipagnegosasyon siya sa China.
Pero kung gusto ng kanyang mga kritiko na pumalag siya sa China ay tatawagin niya ang Amerika para ipatupad ang Mutual Defense Treaty.
Una nang tiniyak ng Estados Unidos na handa nitong ipagtanggol ang Pilipinas mula sa anumang pag-atake bilang pagtupad sa Mutual Defense Treaty.