PRRD, naniniwalang suicide bombing ang nangyari sa Jolo, Sulu; AFP, ‘di kumbinsido!

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-asawang suicide bomber ang nagpasabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.

Sabi ni Pangulong Duterte, base sa briefing na ibinigay ng militar sa kanya babaeng suicide bomber ang responsible sa pagpapasabog sa loob ng simbahan habang ang kanyang mister ang nagpasabog sa parking lot.

Base pa aniya sa mga impormasyon mula sa intelligence parehong Indonesian national ang mag-asawang suicide bomber.


Kasabay nito, muling ipinag-utos ng Pangulo sa militar na pulbusin ang Abu Sayyaf Group, NPA at ang illegal drug organization.

At hindi rin aniya siya naniniwala na nagkaroon ng lapses sa pagbabantay ng mga militar sa lugar sa kabila ng umiiral na martial law sa Mindanao.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay taliwas sa sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Colonel Noel Detoyato na hindi maituturing na suicide bombing ang naganap na pagsabog.

Aniya, isa sa mga nasugatan sa pagsabog ang nagsabi na isang babae ang nagpasok ng bag sa loob ng simbahan.

Sabi naman ni Detoyato na patuloy naman ang pagsisiyasat sa kung paano naisagawa ang ikalawang pagpapasabog sa harap ng cathedral.

Duda naman si Detoyato sa impormasyong sasakyan ang nilagyan ng bomba dahil sa bawal pumarada sa harap ng simbahan.

Facebook Comments