Manila, Philippines – Nagpalabas ng writ of amparo at habeas data ang Kataas-Taasang Hukuman para sa mga abogadong kasapi ng National Union of People’s Lawyer (NUPL).
Kinatigan ng Korte Suprema ang kahilingan ng petitioner na kinabibilangan ng mga abogadong kasapi ng NUPL para sa writ of amparo at writ of habeas data.
Kaugnay nito, inatasan naman na ng SC ang presiding justice ng Court of Appeals na i-raffle ang petisyon ng mga abogado sa lalong madaling panahon.
Inatasan ang CA na dinggin ang petisyon sa May 14, 2019 at maglabas ng desisyon sa loob ng sampung araw matapos na masumite ang kaso.
Inatasan din ng Korte Suprema sina Pangulong Duterte, bilang commander-in-chief ng AFP, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. at iba pa na magsagawa ng verified return ng writ of amparo at habeas data, bago o sa araw ng Miyerkules, May 8, 2019 at makapagsumite ng kumento bago ang nasabing petsa.
Noong April 15 naghain ng petisyon ang NUPL sa Korte Suprema matapos na makaranas ng anila ay panggigipit mula sa mga sundalo.