Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan na bilisan ang paghahatid ng tulong sa mga nabiktima ng bagyong Usman.
Ayon kay dating special assistant to the president secretary Bong Go, gusto ni Pangulong Duterte na mabilis na matugunan ang pangangailangan ng mga nabiktima ng kalamidad.
Sabi ng Pangulo, bukod sa tulong ay kailangang maibalik din kaagad sa normal ang buhay ng mga nakatira sa mga lugar na dinaanan ng bagyo lalo na ang mga nawalan ng kuryente at iba pang pangunahing imprastraktura.
Ngayong araw ay nakatakdang magsagawa ng inspeksyon si Pangulong Duterte sa Bicol Region at inaasahang magbibigay din ito ng tulong sa mga nasalanta pagkatapos ng briefing na ibibigay sa kanya ng mga ahensiya ng pamahalaan upang malaman ng Pangulo kung ano pa ang mga kinakailangan ng mga ito.