Maaaring mag-ulat muli sa bayan si Pangulong Rodrigo Duterte bukas, Biyernes, Aug. 20, 2021.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kasama ang 2nd ‘Talk to the People’ sa ‘tentative’ schedule ng pangulo.
Posible aniya ang pangulo na ang mag-anunsyo ng bagong quarantine classification ng ilang lugar sa bansa.
Pero maaari ring ianunsyo na lamang niya ang bagong quarantine classification dahil hanggang bukas na lamang iiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at Laguna.
Ani Roque, ngayong hapon ay magkakaron ng pagpupulong ang Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan pagdedesisyunan kung palalawigin o ibaba na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang quarantine classification sa National Capital Region (NCR).
Kasunod nito, muling iginiit ng kalihim na nakabase sa siyensya at datos kabilang na ang mga indicator tulad ng daily attack rate, two-week daily average attack rate at ang critical healthcare capacity sa gagawing basehan sa susunod na quarantine classification sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.