Tiwala si Pangulong Rodrigo Duterte na luluwag na ang daloy ng trapiko sa Metro Manila sa susunod na taon.
Sabi ni Pangulong Duterte, ito ay dahil sa pinaigting na Build Build Build Program kung saan kaliwa’t kanang konstruksyon ng mga kalsada at train system ang ginagawa ng pamahalaan.
Ibinida rin ni Pangulong Duterte na masosolusyunan niya ang problema sa trapiko sa Metro Manila kahit na walang tulong ang Senado.
Matatandaan kasing nadismaya ang Pangulo nang hindi siya bigyan ng emergency powers ng Kongreso na tutulong sana sa kanya na mapabilis ang pagbibigay ng solusyon sa trapiko sa Metro Manila.
Magugunitang isa ang problema sa trapiko sa Metro Manila sa mga ipinangako ng Pangulo na kanyang reresolbahin sa mga unang taon ng kanyang termino.