Sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na huwag iboto si Vice President Leni Robredo sakaling maisipan nitong tumakbo bilang pangulo ng bansa matapos ang kanyang termino.
Ayon sa Pangulong Duterte, kawawa at madidisgrasya lamang ang publiko kay Robredo.
Muli ring pinuna ng Pangulo ang pambabatikos sa kanya ni Robredo matapos niyang sabihing maaaring tumanggap ng regalo ang mga pulis basta’t ibibigay ito bilang pasasalamat at hindi para manghingi ng kapalit.
Pahayag ng Pangulo, isa sa problema niya sa Bise Presidente ay wala na itong magandang sinabi tungkol sa mga pulis.
Tila wala aniyang alam sa batas si Robredo dahil hindi nito alam na pwedeng tumanggap ng regalo ang pulis alinsunod sa Anti-Graft and Corrupt Practices Law.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na sakaling tanggapin ni Robredo ang hamon na maging Drug Czar at mapagtagumpayan niya ito ay maaari siyang maging susi para siya ay maging Pangulo at magustuhan ng publiko.