Sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ito ay kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang text message.
Sa statement ng Malacañang, ang pagkasibak kay Robredo ay tugon sa suhestyon ni Liberal Party President, Sen. Francis pangilinan na tanggalin na lang si Robredo sa pwesto.
Sagot din ito sa hamon ni Robredo sa Pangulo na deretsahin siya kung gustong bawiin sa kanya sa pwesto.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, dapat nakipag-usap na si Robredo kay Pangulong Duterte kung nais niyang linawin ang kabuoang sakop ng kanyang mandato sa ICAD.
Aniya, kung Seryoso si Robredo sa pagresolba sa problema sa droga, dapat itong magtungo sa pinag-uugatan ng problema – kabilang ang pakikipag-usap sa mga biktima, sa kanilang pamilya, at sa komunidad, pero mas inuna nitong makipagpulong sa mga United Nations at US Embassy Officials.
Sa loob ng 18 araw na panunungkulan ni Robredo, nakabisita si Robredo sa hotspot ng Anti-Drug Operations sa Navotas City, dinalaw ang mga Reformed Drug Users sa Dinalupihan, Bataan, at Nagtungo sa Drug Rehabilitation Center sa Quezon City.
Nakapulong din ni Robredo ang Anti-Drug Stakeholders tulad ng Dangerous Drugs Board (DDB), Dept. of Interior and Local Government (DILG), at Dept. of Health (DOH).
Matatandaang tinanggap ni Robredo ang posisyon noong November 6.