PRRD, sinisisi si Mar Roxas sa Mamasapano encounter

Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ding panagutin si dating Interior Secretary Mar Roxas sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police Special Action Forces (PNP-SAF) sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.

Nabatid na nakasagupaan ng PNP-SAF ang mga Moro rebels na nagresulta ng pagkamatay ng 44 na pulis sa operasyon.

Sa kanyang talumpati sa PDP-Laban Campaign Rally sa Tuguegarao City kagabi, iginiit ni Pangulong Duterte na nasayang lang ang buhay ng mga pulis para sa wala.


Aniya, hindi nila maipaliwanag kung bakit pulis ang ipinadala nila noon.

Ipinunto pa ng Pangulo na ang PNP-SAF ay hindi kabisado ang lugar.

Kinuwestyon din ng Pangulo kung bakit walang reinforcements na ipinadala kahit may available na air assets malapit sa lugar.

Idinetalye rin ng Pangulo ang panahong kasama niya si Roxas at dating Pangulong Noynoy Aquino nang mangyari ang Mamasapano incident.

Si Roxas, na tumatakbo sa pagkasenador sa nalalapit na midterm elections ay kalihim ng DILG nang mangyari ang Mamasapano incident.

Facebook Comments