PRRD, umapela na ‘wag ipakulong si Eduardo Del Rosario

Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit (COA) na huwag ipakulong si Task Force Bangon Marawi chief at chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) na si Eduardo Del Rosario.

Ito ay matapos atasan ng COA ang HUDCC na ibalik ang ginastos sa pagpapadala ng internally displaced people sa Marawi City sa Hajj noong nakaraang taon.

Iginiit ng state auditors na ang diverted fund ay nagmumula sa 500 million pesos na nakalaan para sa operational expenses ng Task Force Bangon Marawi, na gagamitin para sa recovery, reconstruction at rehabilitation ng Marawi.


Sa kanyang talumpati sa selebrasyon ng Eid’l Fitr sa Davao City – nagbabala ang Pangulo ng “revolt” kapag siya at kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay mabibilanggo rin.

Iginiit din ng Pangulo na hindi maituturing na ilegal ang transaksyon dahil mayroong annual fund na 15 million pesos para sa Hajj.

Matatandaang sinabi ni Del Rosario na ang limang milyong piso ay inilabas para sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) bilang bahagi ng social healing process sa overall rehabilitation ng Marawi.

Una nang sinabi ng Malacañan na posibleng managot sa technical malversation ang housing officials sakaling totoo ang mga alegasyon ng fund diversion.

Facebook Comments