Maagang nagtipon ang mga deboto at parokyano sa Metropolitan Cathedral of Saint John the Evangelist sa Dagupan City noong Biyernes, Enero 9, para sa pagdiriwang ng ika-46 na anibersaryo ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno.
Alas-6 ng umaga nang magsimula ang prusisyon na dumaan sa Burgos Street, kahabaan ng Perez Boulevard at Rizal Street, bago muling bumalik sa katedral.
Habang naglalakad, sabay-sabay na nag-alay ng panalangin ang mga deboto, bitbit ang kanilang mga krus bilang tanda ng pananampalataya.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang alkalde ng Dagupan City kung saan binigyang-diin nagmumula sa pananampalataya ng mga mamamayan ang kalakasan ng lungsod.
Matapos ang maayos at payapang prusisyon, sinundan ito ng Eucharistic Celebration sa loob ng katedral dakong alas-7 ng umaga.
Nagsilbing paalala ang pagtitipon na sa kabila ng hirap ng buhay, may pag-asa—at ang krus ay daan tungo sa kaligtasan.










