PS-DBM at DepEd, pinapapanagot sa non-delivery ng mga learning material

Hiniling ni Assistant Minority Leader at ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro na mapanagot na ang Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) at ang Department of Education (DepEd).

Ito ay kaugnay naman sa non-delivery ng learning materials gamit ang pondo ng DepEd na inilipat sa PS-DBM na aabot sa P5.53 billion.

Ang nasabing pondo ay para sana sa procurement ng computer hardware at software na aabot sa P5.03 billion at instructional at learning materials at textbooks na aabot naman sa P502.83 million.


Giit ni Castro, ang mga nabanggit na hindi na-i-deliver na essential material para sa edukasyon ay naging hadlang para sa mga estudyante na magkaroon ng access sa quality education.

Libo-libo sana aniyang mga mag-aaral at mga guro ang natulungan dito sa ilalim ng blended distance learning lalo’t ang nasabing halaga ay maaaring makabili ng nasa mahigit 200,000 na laptops.

Dagdag pa ng Makabayan solon, nakakagalit ang ulat na ito dahil sa hirap na pinagdaanan ng mga guro, mga mag-aaral at mga magulang sa pagbili ng kaniya-kaniyang gadgets, print ng mga module, at pagkalap ng iba pang learning materials.

Facebook Comments