Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority o PSA na tumaas ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho nitong buwan ng Hunyo.
Sa ulat ng PSA, umakyat sa 95.5% ang employment rate o katumbas ng 48.84 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa.
Dagdag na higit kalahating milyon ito na nagkatrabaho mula Mayo hanggang nitong Hunyo at 2.25 milyon kung mula Hunyo ng taong 2022.
Paliwanag ng PSA ang wage and salary earners ang nananatiling bumubuo ng pinakamalaking bahagi ng employed na nasa 61.5%.
Mas mataas naman ang employment rate ng mga kalalakihan na naitala sa 95.7% kumpara sa employment rate ng mga kababaihan na nasa 95.1%.
Bahagya namang umakyat sa 4.5% ang unemployment rate nitong Hunyo mula sa 4.3% noong Mayo.
Gayunman, mas mababa pa rin ito kung ikukumpara sa 6% na unemployment rate noong Hunyo ng 2022.
Ang underemployment rate naman o bilang ng mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan ay naitala sa 12%.
Kabilang naman sa mga sektor na nakaambag sa pagtaas ng employment rate noong Hunyo ang construction, agriculture and forestry, administrative and support service activities, public administration and defense; compulsory social security, at accommodation and food service activities.
Habang ang mga sektor na malaki ang nabawas sa employment ay ang fishing and aquaculture, transportation and storage, pati ang art, entertainment at recreation.