Nagbabala ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa publiko laban sa mga hindi awtorisadong indibidwal na nag-aalok at gumagawa ng temporary corrections o applications para sa civil registry documents.
Nabatid na ang mga ganitong serbisyo ay talamak na sa social media partikular sa Facebook.
Ayon sa PSA, mangangako ang mga naturang indibiduwal sa kanilang mga kliyente na kapag nagbayad sila ay maaari nilang iproseso agad ang temporary corrections ng civil registry documents tulad ng birth, marriage at death certificates, maging ang pekeng Certificate of No Marriage (CENOMAR).
Inaabisuhan ng PSA ang publiko na hindi nila pagmamay-ari ang mga sumusunod na Facebook accounts:
- PSA Online Assistance Door to Door Delivery
- N.S.O. Certificate Process
- PSA Online delivery
- 3J’ RTW Clothing & Document Services
Iginiit ng PSA na ang mga ganitong aktibidad ay ilegal.
Hinikayat nila ang publiko na isumbong ang iba pang indibiduwal na sangkot sa mga ganitong serbisyo.
Nakipag-ugnayan na ang PSA sa mga kinauukulan para sampahan ng kaso ang mga sangkot sa ilegal na aktibidad.