Nanindigan ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa naitalang 6.1% inflation rate sa Pilipinas nitong Hunyo.
Ito ay kasunod nang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi siya kumbinsido na naitalang inflation rate o bilis ng paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, may mga naging batayan sila sa paglalabas ng nasabing report.
Ibinabase aniya ng PSA ang inflation sa pamamagitan ng pag-monitor ng consumer price index o galaw ng average retail prices ng “basket of goods and services” na kabilang sa pangangailangan ng bawat pamilya.
Matatandaang, una nang sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Benjamin Diokno na maglalaro sa 5.7% hanggang 6.5% ang inflation sa Hunyo.