Nakipag-ugnayan na ang Presidential Security Group (PSG) sa Commisson on Elections (COMELEC) sa pagtitiyak ng seguridad ni Pangulong Rodrigo Duterte sakaling personal itong maghain ng kaniyang Certificate of Candidacy (COC) para sa 2022 elections.
Ayon kay PSG Commander Col. Randolf Cabangbang, ang polisiya ng COMELEC na isa lamang ang papayagang kasama ng mga aspirant sa paghahain ng COC ay hindi mai-a-apply kay Pangulong Duterte dahil nananatili itong pangulo ng bansa.
Aniya, ang mandato sa pagtitiyak ng kaligtasan ng presidente ay inaatas lamang sa PSG kaya’t hindi aniya maaaring sabihin ng COMELEC na sila na ang bahala sa seguridad ng pangulo.
Kaugnay nito, iginiit ni Col. Cabangbang sa COMELEC na huwag na nilang problemahin pa ang seguridad ng pangulo dahil ang PSG na ang siyang bahala rito.