Psychological drama thriller film na About Us But Not About Us, humakot ng 10 awards sa “Gabi ng Parangal” ng kauna-unahang Summer MMFF; ilan pang personalidad at pelikula na nagwagi, kilalanin!

Ilang pelikula at personalidad ang nagningning kagabi sa “Gabi ng Parangal” ng kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival sa New Frontier Theater sa Quezon City.

Humakot ng 10 awards ang pelikulang ‘About Us But Not About Us’ kung saan nauwi nila ang Best Sound, Best Musical Score, Best Production Design, Best Editing, Best Cinematography, Best Screenplay, at Best Picture.

Wagi rin para sa nasabing pelikula si Romnick Sarmenta bilang Best Actor, Jun Robles Lana bilang Best Director, habang kabilang sa Special Jury Award si Elijah Canlas.


Hakot-award din ang comedy film na ‘Here Comes The Groom’ kung saan nabitbit ni Kaladkaren ang Best Supporting Actress at Keempee de Leon bilang Best Supporting Actor.

Nauwi rin ng nasabing pelikula ang 3rd place in Best Picture at Special Jury Award.

Nasungkit naman ni Gladys Reyes ang Best Actress para sa pelikulang ‘Apag’ at wagi rin ang ‘Apag’ bilang Best Original Theme Song.

Nakuha naman ng love story film na ‘Love You Long Time’ ang 2nd place in Best Picture at Best Float.

Sa naging panayam ng RMN DZXL 558 kina Romnick Sarmenta at Gladys Reyes ay lubos silang nagpapasalamat at hindi sila makapaniwala sa natanggap nilang award.

Mapapanuod ang walong pelikulang kalahok sa Summer MMFF hanggang April 18, 2023 sa lahat ng sinehan.

Facebook Comments