Pinakikilos ni Albay Representative Joey Salceda ang pamahalaan na tugunan ang psychosocial health ng mga Pilipino bunsod ng panibagong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lugar.
Ayon kay Salceda, ang kawalan ng kasiguraduhan sa COVID-19 at ang ipinatutupad na naman na mahigpit na quarantine restrictions ay may epekto sa mental health ng mamamayan.
Hinihikayat ng kongresista ang gobyerno na i-convene ang media, private sector at mental health care sector na maglatag ng nararapat at coordinated response para maibigay ang mental health needs sa kasagsagan ng pandemya.
Upang agad na mabigyang atensyon ang mental health ng mga Pilipino ay pinakikilos din ang pamahalaan para sa pagkakaroon ng telemedicine facilities na tutugon rin sa non-hospitalized COVID-19 cases at non-COVID cases.
Paliwanag ng mambabatas, ang pagkakaroon ng remote facilities ay mahalaga nang sa gayon ay mailaan sa mga severe o malalang COVID-19 cases ang capacity na natitira sa mga ospital.
Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa 25.7% ang suicide incidents noong 2020 kumpara sa mga nakaraang taon.