Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na humingi ng psychosocial at mental support kung kinakailangan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang epekto ng pandemya ay hindi lamang nakakaapekto sa physical health ng tao kundi ang mental health nito.
Mahalagang mahinto ang stigma sa mga humihingi ng mental support, lalo na sa panahong nananaig ang takot at pagkabalisa.
Maaari silang tumawag sa government hotlines na nagbibigay ng psychosocial support.
Paglilinaw ni Vergeire na ang mga taong humihingi ng mental health support ay hindi nangangahulugang may mali na sa kanila.
Mahalaga rin ang papel ng religious sector sa pagpapagaan ng sitwasyon sa mga pasyente at depresyong nararanasan ng ilang tao.
Kabilang sa mga hotlines na maaari nilang tawagan ay ang hotline USAP ng National Center for Mental Health (NCMH), Philippine Mental Health Association at UP Diliman Center for Psychological Services.