Pinapakilos ni Senator Sherwin Gatchalian ang Parent-Teacher Associations (PTA) para sa implementasyon ng Parent Effectiveness Service laban sa bullying.
Ginawa ni Gatchalian ang panawagan matapos tukuyin ng mga eksperto na ang mga kabataan nakararanas ng karahasan sa mga tahanan ang siyang madalas na nagpapamalas ng ugali ng isang bully.
Iminumungkahi ni Gatchalian na makipagtulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa PTA para mapalakas ang pakikilahok ng mga magulang sa child development tulad ng pagsugpo ng bullying.
Binigyang-diin ng senador ang mahalagang papel ng mga magulang para maiwasan na maging bully ang mga anak kaya naman hiniling nito ang mahigpit na pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service Program (PES) Act.
Sa ilalim ng batas ay tutulungan ang mga magulang at parent-substitutes na palawakin ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad.
Tinukoy ni Gatchalian na malaking hamon sa programa ang pag-abot sa 20 million mga magulang sa bansa kaya naman malaking tulong kung gagamitin at pakikilusin na ang mga existing network ng Department of Education (DepEd) tulad ng PTA.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan ng pag-tap sa PTA ay mabilis na maaabot ang mga magulang para imandato ang mga ito maging bahagi ng Parent Effectiveness Service.