Nilinaw ni Senator JV Ejercito na tuloy pa rin ang Public Transport Modernization Program (PTMP) at hindi ito ipinatitigil ng Senado.
Isa si Ejercito sa 22 senador na lumagda para sa pansamantalang suspensyon ng PTMP habang hindi pa naisasaayos ang mga problemang kinakaharap ng mga maliliit na operators at drivers.
Ayon kay Ejercito, tuloy pa rin naman ang programa oras na maisaayos ang mga isyu sa consolidation at rationalization ng mga ruta kung saan dapat ito ay nakaayon din sa ruta ng mass transit.
Sinabi ng senador na nakita naman sa mga pagdinig na hindi pa naaayos ang mga ruta at malabo pa rin ang usapan kung paano mababayaran ng mga operator ang modern jeep na pinabibili sa kanila sa pamamagiitan ng kooperatiba.
Naniniwala si Ejercito na isa sa magiging susi para sa ikatatagumpay din ng programa ang tungkol sa financing scheme.
Iginiit naman ni Senator Raffy Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Public Services na mayroong pangangailangan para i-review at i-reassess ang impact o epekto ng programa, para maibsan o mawala ang takot ng mga drivers at transport operators na siyang papasan sa implementasyon ng programa.
Si Tulfo ang naghain ng resolusyon na nagsasaad ng “sense of the Senate” na nananawagan na isuspindi muna ang PTMP hangga’t hindi pa napaplantsa ang mga problema.