PUBLIC CONSULTATION, IMINUNGKAHI NG MAJORITY SA SANGGUNIANG PANLUNGSOD NG DAGUPAN KAUGNAY SA KASALUKUYANG KONSTRUKSYON NG MGA ROAD ELEVATION SA LUNGSOD

Iminungkahi ng Majority sa pangunguna ni Coun. Alvin Coquia at Coun. Mejia sa naganap na regular session ngayong araw ng Martes sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang planong magkaroon ng isang public consultation kaugnay sa mga kaliwat-kanang konstruksyon ng mga Road Elevation at Drainage System Upgrade partikular sa kahabaan ng Arellano-Bani at AB Fernandez.
Ayon kay Councilor Mejia, bunsod daw umano ito ng mga natatanggap na mga hinaing ng ilang mga residente partikular mula sa mga apektadong lugar kung saan kasalukuyang ginagawa ang mga konstruksyon ng flood mitigation projects na inisyatibo ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Partikular na naririnig umanong reklamo na sobrang taas daw umano ng road elevation na sa ngayon ay naumpisahan na. Ilan pa sa mga saloobin umano ng mga residente ng lungsod ay saan na raw mapupunta ang tubig baha kundi sa mga kabahayan sa aagusang ilog nito at sila naman daw higit maapektuhan dito.

Personal ding inihayag ni G. Bernie ang kanyang saloobin na sana umano ay iaddress ang heavily silted na mga river systems sa lungsod na siya sanang lalabasan ng mga tubig baha. Hinikayat din nito ang mga miyembro ng Sanggunian na sana umano ay magtungo rin sa mga kaukulang mga ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng solusyon ang problema.
Samantala, muling iginiit ng mga konsehal sa Majority na magkaroon sana umano ng imbitasyon partikular sa District Engineer ng DPWH, Head ng City Engineering Office ng lungsod, gayundin ang presensya ng Planning Officer at Head ng Flood Mitigation Office upang makapagbigay pa umano sila ng impormasyon kung paano ang isinasagawang proyekto na Road Elevation at Upgrade ng mga drainage systems.
Natalakay din hindi lamang ang epekto nito sa kalsadahan at mga magiging apektadong residente maging ang mga nararanasan ng mga epekto ngayon tulad na lamang umano ng Traffic na inirereklamo na rin ng ilan sa mga pumapasada, mga hinaing ng business establishments, ang pagkonsidera gaano katagal ang magiging konstruksyon at pagbaha.
Samantala, matatandaan na kabilang ang proyekto sa mga solusyon umano na iibsan sa pagbaha na taon taon nang problema ng mga Dagupeño. |ifmnews
Facebook Comments