
Umarangkada na ngayong araw ang public consultations ng House Committee on Electoral Reforms and Suffrage kaugnay ng mga panukalang Anti-Political Dynasty Bill.
Ang unang konsultasyon ay ginaganap sa Carsigma Gym sa Carmona, Cavite, na dinadaluhan ng tinatayang 1,500 kinatawan mula sa mga opisyal ng barangay, non-government organizations, sektor ng kabataan, at iba pang grupo.
Pinamumunuan ang konsultasyon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chairman ng komite.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na ang serye ng konsultasyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao ay bahagi ng paninindigan ng Kapulungan ng mga Kinatawan na ang mahahalagang batas ay dapat binabalangkas sa pamamagitan ng bukas at tapat na pag-uusap.
Ayon kay Dy, seryoso ang Kamara na isulong at maipasa ang isang makatarungan, makabuluhan, at makataong Anti-Political Dynasty Bill. Hinimok din niya ang lahat na maging bukas, mahinahon, at magalang sa talakayan hinggil sa panukala.










