Tinapos na ng House Committee on Constitutional Amendments na pinamumunuan ni Cagayan de Oro City Representative Rufus Rodriguez ang serye ng public consultation sa National Capital Region (NCR) ukol sa panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa mga isinagawang pagdinig ay kabilang sa mga resource person si dating Supreme Court Associate Justice Vicente Mendoza na pabor sa Cha-Cha pero marami aniyang dapat ikunsidera tulad ng gastos kung gagawin ito sa pamamagitan ng Constitutional Convention.
Sabi naman ni Atty. Christian Monsod, na isa sa framers ng 1987 Constitution, isantabi na muna ngayon ang Cha-Cha at sa halip ay magpasa na lang ng enabling law na magbabawal sa political dynasties kung ang layuning maresolba ang malawakang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Pabor naman sa Cha-Cha si Atty. Raul Lambino at gusto niya ng “Parliamentary Federal System of Government” pero aminadong mahirap itong gawin sa ngayon at kailangan ng masusing pag-aaral at sang-ayon din siya na gawing iisa ang boto para sa presidente at bise presidente.
Para naman kay dating Cong. Neri Colmenares, hindi napapanahon ang Cha-Cha dahil may COVID-19 pandemic pa, mataas ang inflation rate, bukod sa delikado ito dahil magbibigay ng masyadong malaking kapangyarihan sa Kongreso.
Sabi naman ni dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna, mainam na tutukan ang pagtanggal ng economic restrictions lalo na sa sektor ng mass media, edukasyon, public utilities at iba pa.
Umapela naman si Philippine Constitution Association o PHILCONSA Vice President for Luzon Atty. Dionisio Donato Garciano na bigyan ng tsansa ang Cha-Cha at iwasan ang pagiging praning o pagdududa na hindi magandang simula sa pagtutulak ng mga kinakailangang amyenda sa “fundamental law.”
Matapos sa NCR ay iikot naman ang konsultasyon ng house panel sa iba pang rehiyon sa bansa.