Public Corruption Division ng NBI, makipagtutulungan sa binuong independent commission for infrastructure na sisiyasat sa mga anomalya sa flood control projects

Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na handa silang makipagtulungan sa Independent Commission for Infrastructure na binuo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito’y upang masiguro ang masusi at koordinadong imbestigasyon.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, bumuo na ang Department of Justice (DOJ) ng isang Public Works Corruption and Bid-Rigging Task Force na tututok sa imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na mga proyekto ng flood control.

Ani Santiago, ang Public Corruption Division ng NBI ang magiging pangunahing tagapagsiyasat sa mga alegasyon ng iregularidad sa mga proyekto ng flood control.

Ipinaliwanag din niya na bagaman isinasapinal pa ni Justice Secretary Boying Remulla ang kabuuang komposisyon ng task force, inatasan na nito ang Deputy Director for Investigation upang simulan ang paunang imbestigasyon.

Inaasahang magsusumite ang NBI ng kanilang initial report sa DOJ sa darating na Martes o Miyerkules.

Layon ng bagong task force na pabilisin at palalimin ang pagsisiyasat sa mga reklamo ng katiwalian at bid rigging na kinasasangkutan ng ilang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Facebook Comments