Nanindigan si Public Health Expert Epidemiologist Dr. John Wong, na tapos na ang Pilipinas sa second wave o ikalawang bugso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Wong, nangyari ang second wave sa bansa noong Marso kung saan mahigit limang daang kaso o 538 COVID cases ang naitala.
Gayunman, napigilan aniya ang lalo pang pagtaas ng COVID noong Marso matapos na magpatupad ng lockdown ang gobyerno.
Aniya, matapos ang lockdown ay bumaba na lamang sa 220 ang naitatalang kaso ng COVID-19 mula noong Marso.
Sinabi pa ni Dr. Wong na narating ng Pilipinas ang peak ng second wave ng COVID noong katapusan ng Marso.
Aniya, naranasan ng Pilipinas ang first wave ng COVID noong Enero habang naging kalmado naman sa buwan ng Pebrero at Marso nga ang ikalawang bugso o ang first major wave.
Ang paglilinaw ni Dr. Wong ay taliwas naman sa pasabog sa Senado ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na nakakaranas na ang Pilipinas ngayon ng second wave.
Magugunita sa nakalipas na panayam kay Dr. Wong sa DOH virtual presser ay nilinaw nito na tapos na ang Pilipinas sa second wave ng virus at ang third wave ng COVID ang ibinabala nito sa publiko.