Kumpiyansa sina CIBAC Partylist Reps. Bro. Eddie Villanueva at Domeng Rivera na mas mapapalakas ang public health workforce ng bansa matapos na maisabatas ang RA 11509 o ang Doktor Para sa Bayan Act.
Ayon kina Villanueva at Rivera, madaragdagan na sa ilalim ng batas ang doctor-to-population ratio upang makasabay sa international standards.
Sa kasalukuyan, nasa 3 manggagamot sa kada 10,000 Pilipino ang doctor-to-population ratio ng bansa, malayo sa 10 doktor sa kada 10,000 populasyon na itinatakda ng World Health Organization (WHO) prescription.
Tiwala rin si Deputy Speaker Rufus Rodriguez na madadagdagan na ngayon ang mga doktor sa mga malalayong probinsya lalo pa’t mas mahihikayat na ang mga mag-aaral sa mga remote areas na maipagpatuloy ang kanilang medical education kapalit ng pagbibigay muna ng ilang taon ding serbisyo sa bansa sa oras na makapagtapos.
Sa ilalim ng batas, bibigyan ng medical scholarship at return service program ang mga deserving students mula sa mga State Universities and Colleges (SUCs) o Private Higher Education Institutions (PHEIs) sa mga rehiyon na walang iniaalok na medical course.
Makakatanggap din ng libreng matrikula at iba pang bayarin, allowances para sa libro, supplies, equipment, clothing, dormitory, at transportation, libreng internship fees, medical board review fees, at annual medical insurance ang mga estudyanteng makakapasok sa programa.