Magdaraos ng “public hearings” at konsultasyon ang iba’t ibang Regional Wage Boards sa bansa.
Ito’y para sa isinusulong na dagdag-sweldo ng mga manggagawa.
Sa abiso ng Cagayan Valley wage board, ang kanilang pampublikong pagdinig ay isasagawa sa Cagayan State University-Andrews Campus sa Tuguegarao City ngayong araw.
Ito’y para pag-usapan ang minimum wage adjustment para sa mga empleyado sa pribadong sektor, gayundin sa mga kasambahay.
Habang ang mga employer at mga empleyado sa Pangasinan at La Union at iniimbitahan para sa konsultasyon hinggil sa minimum wage adjustment na gagawin sa Dagupan City sa darating na August 29.
Sa hiwalay na abiso ng Central Luzon wage board, ang kanilang public hearing ay gagawin sa Heroes Hall Mini Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga sa darating na September 4, 2023.
Inaasahang kukunin din dito ang posisyon ng iba’t ibang stakeholder’s para sa hiling na umento sa sahod ng minimum wage earners.
Matatandaan na iba’t ibang grupo at unyon ang naghain ng mga petisyon para sa dagdag-sahod dahil na rin sa mataas na presyo ng mga bilihin, produktong petrolyo, mga serbisyo at iba pa.
Kabilang sa hirit ay itaas sa P1,100 ang arawang sweldo ng mga manggagawa kung saan nitong buwan ng Hulyo, pormal na ipinatupad sa National Capital Region (NCR) ang ₱40.00 na dagdag sa daily minimim wage.