PUBLIC INTERVIEW | Labor Sec. Bello, sumalang na sa pagtatanong ng JBC para sa Ombudsman post

Manila, Philippines – Sumalang na si Labor Sec. Silvestre Bello III sa public interview ng Judicial and Bar Council para sa mga aplikante sa mababakanteng pwesto ng Ombudsman.

Ayon kay Bello, nag-apply siya sa pagiging Ombudsman dahil ito na maari ang huling pagkakataon niya para makatulong sa kampanya ng Pangulong Duterte kontra kurapsyon.

Tiniyak ng kalihim na sakaling siya ang mahirang na Ombudsman ay magiging independent siya sa pagresolba sa mga kasong isasampa sa Tanggapan.


Mapapatunayan naman anya ito sa record niya bilang dating Justice Secretary.

Binanggit pa ng kalihim ang paninilbihan niya sa pamahalaan sa ilalim ng apat na pangulo.

Nagpapakita anya ito na siya ay mapagkakatiwalaan lalo nat siya ay inilalagay sa mga sensitibong pwesto sa gobyerno.

Partikular na rito ang paghirang sa kanya ni Duterte bilang pinuno ng peace panel ng gobyerno na nakikipagnegosasyon sa CPP-NDF.

Ipinagmalaki rin ni Bello na libu-libong manggagawa ang naregular sa trabaho sa panunungkulan niya bilang Labor Secretary.

Ipinakita rin sa media ni Bello ang clearance mula sa Office of the Ombudsman na nagsasabing wala nang pending na kasong administratibo at kriminal laban sa kanya.

Bukod kay Bello, sumalang sa pagtatanong ng JBC kaninang umaga sina Sandiganbayan Justice Efren dela Cruz at dating abogado ni Pangulong Duterte na si Edna Herrera-Batacan.

Facebook Comments