Public interview ng JBC sa mga aplikante sa pagiging Chief Justice, sinimulan na

Umarangkada na ang kauna-unahang online o virtual public interview ng Judicial and Bar Council sa mga nagnanais na maging susunod na Chief Justice.

Tatlo ang aplikante para sa babakantehing puwesto ni CJ Peralta na una nang nag-abiso ng kanyang maagang pagreretiro sa kanayng ika-69 na kaarawan sa March 27 o isang taong mas maaga sa mandatory retirement age na 70-anyos.

Kabilang sa mga aplikante para sa pagiging Chief Justice sina Senior Associate Justice Estella Perlas- Bernabe, Associate Justice Alexander Gesmundo at Associate Justice Ramon Paul Hernando.


Unang sumalang sa interview si Justice Estela Perlas-Bernabe.

Unang inusisa sa kanya ni Judge Franklin Demonteverde na miyembro ng JBC ang kalusugan nito.

Ayon kay Justice Perlas-Bernabe, maayos ang kanyang kalusugan at naniniwalang kakayanin niya ang trabaho ng punong mahistrado.

Sinabi ni Justice Perlas- Bernabe na mayroon na rin siyang mga short at long term plans sa judiacy sakaling mapiling susunod na Chief Justice.

Kabilang sa mga plano niyang ipatupad ay ang mas maayos na information system sa hudikatura, gayundin ang pagdaragdag ng mga it personnel na hahawak sa mga court requirements.

Kailangan din aniyang i-evaluate ang judicial audit system para sa mas maayos na monitoring sa performance ng mga hukom sa lower courts.

Si Chief Justice naman na ang pambungad na bati ni Associate Justice Noel Tijam kay Justice Perlas-Bernabe.

Inusisa naman ni Justice Tijam kay Justice Perlas- Bernabe ang posisyon nito sa pagsasapubliko ng statement of assets and liabilities ng mga mahistrado.

Naniniwala rin si Justice Perlas- Bernabe na kaakibat ng pagiging Chief Justice ang mabigat na responsibilidad tulad ng pagtatakda ng malinaw na plano at magagandang inisyatiba sa hudikatura at panatiliin ang integridad at dignidad ng judiciary.

Sumunod naman na sumalang sa public interview si Associate Justice Alexander Gesmundo na susundan ng panayam kay Associate Justice Ramon Paul Hernando ganap na alas-tres ng hapon.

Facebook Comments