Public School Teachers, Emosyonal sa Pagbubukas ng Klase sa New Normal

Cauayan City, Isabela- Emosyonal ang ilang guro sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Cauayan ngayong pormal nang binuksan ang klase sa ilalim ng new normal.

Ayon kay Principal Albert Perico ng Cauayan North Central School, maituturing pa rin na masigla at full responsibility ang kaguruan sa kabila ng nararanasang pandemya ng bansa.

Aniya,kapansin-pansin ang malaking pagbabago ngayong may pandemya dahil ang kalimitang nakikita ang mga bata sa paaralan ay imposible na ngayon sa ilalim ng new normal.


Ikinuwento rin nito ang ilang eksena kapag ang mga bata sa pagpasok sa paaralan ay ang ayaw mawalay sa kanilang mga magulang, pag-iyak ng mga ito sa unang araw ng klase.

Samantala, lubos namang naapektuhan ang mga guro sa naging pahayag ni Cagayan Governor Manuel Mamba dahil sa sinasabi nitong sumasahod ang mga guro kahit wala namang ginagawa.

Giit ng mga guro, sumumpa sila sa kanilang tungkulin na magsilbi para maturuan ang mga mag-aaral at ibahagi ang kanilang kaalaman.

Samantala, inihayag naman ni Dr. Alfredo Gumaru, Schools Division Superintendent ang kanyang pagbati sa lahat ng mga guro ngayong ipinagdiriwang ang World Teachers’ Day.

Facebook Comments