Tiwala si House Committee on Economics Chairman Sharon Garin na makakatulong para sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya ang tuluyang pagsasabatas sa Public Service Act Amendments.
Nilagdaan na nga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11659 o Amendments to the Public Service Act kung saan binubuksan sa 100% na dayuhang pagmamay-ari at pamumuhunan ang mga public services na hindi classified na public utility.
Nililimitahan naman ang public utility sa distribution at transmission ng kuryente, petroleum at petroleum products transmission, water distribution, wastewater systems, seaports, at public utility vehicles.
Giit ni Garin, kailangan ng bansa ng mas maraming foreign investments para makalikha ng maraming trabaho at mabilis na makaahon mula sa pagkalugi dahil sa pandemya.
Dagdag pa ng kongresista, kailangan ang nasabing batas dahil hindi sapat at hindi rin sustainable ang palagi na lamang pamimigay ng ayuda ng pamahalaan.