Pasado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala na nag-a-amyenda sa 84 na taon na Public Service Act.
Sa ilalim ng House Bill 78, bibigyan na ng depinisyon ang public utility kung saan lilimitahan ito sa distribution at transmission ng electricity system at water pipeline distribution o sewerage pipeline system.
Magiging bukas naman sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ang public utility pero nililimitahan ito kapag hindi ito kaya ng Pilipino o kaya naman ay mayroong nilikhang batas para dito o mayroong inaprubahang international agreement.
Gayunman, pinawi ni House Committee on Economic Affairs Chairperson Sharon Garin ang pangamba ng pagdagsa ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa dahil sa panukala sapagkat ang nais lamang anya nito ay matulungan ang bansa na magkaroon ng mas maraming negosyo.
Sa ilalim ng Article XXII, Section 11 ng 1987 Constitution, ang operasyon ng public utility ay dapat na 60% pag-aari ng mga Pilipino pero sinabi ni Garin na ito ay walang direktang depinisyon.