Tiniyak ni House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento sa publiko na handang-handa na ang hanay ng transportasyon sa unti-unting pagbalik ng kanilang mga operasyon ngayong unti-unti ng papunta sa General Community Quarantine (GCQ) ang maraming lugar sa bansa.
Ayon kay Sarmiento, nakahanda na ang aviation, maritime, railway at ang land sector para serbisyuhan ang mga mananakay na babalik sa kanilang mga lugar at trabaho.
Sa kabilang banda, mahigpit na ipatutupad ang 50% reduced capacity ng mga pasahero upang matiyak ang pagsunod sa social distancing sa pagbyahe gayundin ang pagsusuot ng face mask at disinfection.
Magpapatupad din ng simulation sa pagbyahe ng mga bus sa EDSA tulad ng single route kung saan may dedicated lane lamang para sa mga babyaheng bus upang matiyak ang mabilis na paghahatid sa mga pasahero.
Siniguro din ng mambabatas ang pagkakaroon ng crowd control para maayos at hindi dumugin ng mga pasahero ang mga jeep at bus na babyahe.
Samantala, umapela naman si Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) Founder Atty. Ariel Inton sa pamahalaan na unahin muna ang pagbibigay ng ayuda sa mga drivers at hindi ang pagpapatupad ng mga bagong polisiya sa mga lansangan at ruta ng mga pampublikong transportasyon.
Giit ni Inton, maraming mga samahan ng mga drivers ang lumapit na sa kaniya at umaalma na wala pa ring tulong na natatanggap mula sa pamahalaan.
Nilinaw naman ni Inton, hindi sila tutol sa implementasyon ng mga bagong polisiya sa lansangan tulad ng single-bus route sa EDSA ngunit huwag muna ito pagtuunan ng pansin habang may COVID-19 at ngayon pa lamang makakabawi din sa hanapbuhay ang mga public transport sector.