Aminado ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaaring malugi ang public transport sector dahil sa ipinatutupad na limited passenger capacity sa gitna ng banta ng COVID-19.
Sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), 50% lang ng orihinal na passenger capacity ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) ang papayagang maisakay para masigurong masusunod ang social distancing.
Ayon kay LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, hindi naman kasama sa mga tinalakay nila ang pagpapatupad ng fare increase para mabawi ang mawawalang kita ng public transport sector.
Pero matatandaang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na bahagi ng recovery plan nila ang pagbibigay ng fuel subsidy sa mga PUV operator.
Una nang nanawagan sa gobyerno ang grupong piston na ituloy ang pagbibigay ng financial support sa mga drivers kahit pinayagan na ang partial operations ng mga PUV.
Aniya, malaking kawalan sa kita ng mga tsuper ang paglimita sa bilang ng mga pasaherong maaari lang nilang isakay.