Manila, Philippines – Kinalampag ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa pagdidisiplina sa mga opisyal at tauhan ng embahada ng bansa na kasama sa rescue operation sa mga OFWs sa Kuwait.
Giit ni Biazon, nalagay sa alanganin ang mga OFWs at ang relasyon ng Pilipinas sa Kuwait dahil sa paglabag sa SOP ng nangyaring rescue operation.
Pinagpapaliwanag din ng kongresista ang mga taga embahada kung bakit sinuway ang proseso ng koordinasyon sa Kuwaiti authority para sana naiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
Puna pa ng kongresista, nagmukhang ‘publicity stunt’ ang rescue operation dahil sa pag-upload ng video sa social media.
Pinayuhan naman ni Biazon ang embahada ng bansa sa Kuwait at maging ang ibang embahada ng bansa sa Middle East na mag-ingat sa paglulunsad ng rescue operation sa mga minaltratong OFWs para hindi na maulit ang undiplomatic at iresponsableng operasyon.