Publiko, binalaan laban sa mga sakit na uso ngayong tag-ulan sa gitna ng COVID-19 pandemic

Nagbabala ang isang infectious disease expert sa publiko laban sa mga sakit na uso tuwing tag-ulan.

Ayon kay National Epidemiology Center former chief Dr. Eric Tayag, ngayong tag-ulan, inaasahan na ang pagtaas ng mga kaso ng mga sakit na binansagang WILD o ang waterborne, influenza, leptospirosis at dengue.

Aniya, magiging mahirap para sa mga health providers na matukoy ang mga sakit na ito sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic.


Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat pagkatapos ng dalawa hanggang pitong araw ng impeksyon, pananakit ng ulo, muscle pain, paninilaw ng balat at mata, eye redness at pagkukulay tsa-a ng ihi.

Kung mapapabayaan, maaari itong mauwi sa meningitis, pulmonary hemorrhage at liver failure.

Habang kabilang naman sa sintomas ng dengue ay mataas din na lagnat, skin rashes, pagdurugo ng ilong o ng gilagid at loss of appetite.

Nito lang January hanggang May, nasa 50,000 kaso na ng dengue ang naitala na karamihan ay sa Central Luzon at Central Visayas.

Hinimok naman ni Tayag ang publiko na agad magpakonsulta sa doktor o tumawag sa hotline ng Department of Health (DOH) na 1555 at 02-894-COVID (26843) oras na makaranas ng mga nabanggit na sintomas.

Facebook Comments