Publiko, binalaan ng BOC laban sa love scam ngayong panahon ng Pasko at Bagong Taon

Pinag-iingat ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko sa umiiral ngayong love scam.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BOC Spokesman Arnaldo dela Torre Jr., na ang love scam ay isang modus ng mga kawatan kung saan kinakaibigan ang kanilang target na indibidwal hanggang mahulog na ang loob nito at maging malapit na silang magkaibigan o magkarelasyon.

Saka gagamitin ang pagkakataong ito ng kawatan para kunwari ay magpapadala ito ng mamahaling bagay na kailangang kuhanin sa port pero hihingi na ng pera pambayad umano sa Customs para ito maipalabas.


Ginagawa ito ng kawatan sa pamamagitan ng pag-text o pagpapadala ng email sa target nitong indibidwal o consignee at sasabihin kunwari na ipadala ng pera sa isang personal bank account.

Sinabi ni Dela Torre, gumagamit din ng pekeng social media account ang suspek.

Dahil dito, pinaalalahan ni Dela Torre ang publiko na huwag agad maniniwala sa ganitong uri ng modus na kalat ngayong panahon ng Pasko at Bagong Taon para hindi mabiktima.

Facebook Comments