Publiko, binalaan ng Malacañang ukol sa pekeng dokumentong nag-uutos ng kaltas sa sweldo ng mga empleyado ng gobyerno

Pinag-iingat ng Malacañang ang publiko kaugnay sa kumakalat sa online na pekeng memorandum na nagpapakita ng lagda ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Nakasaad sa dokumento na kakaltasan ng dalawang araw na sweldo ngayong buwan ng Marso ang lahat ng mga manggagawa sa gobyerno.

Ito ay para makalikom ng pondo na itutulong sa mga biktima ng lindol sa Turkey at Syria.


Paglilinaw ng Office of The President at Office of the Executive Secretary kailanman ay hindi sila naglabas na ganitong “Memorandum Circular”.

Kanila ding pinayuhan ang lahat na tumutok lamang sa Official Gazette of the Republic of the Philippines Website at Facebook page patungkol sa mga impormasyon ukol sa mga deriktiba ng pangulo at Malacañang.

Sabi naman ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil, nakikipag-ugnayan na ang Office of the Executive Secretary sa mga awtoridad para alamin kung sino ang nagpakalat na naturang pekeng dokumento.

Facebook Comments