
Pinaalalahanan ng San Lazaro Hospital ang publiko tungkol sa mga scammer na ginagamit ang pangalan ng kanilang mga opisyal at empleyado.
Ayon sa abiso ng ospital, nagpapanggap na opisyal ang mga scammer upang manghingi ng pera, donasyon, at personal na impormasyon.
Binigyang-diin ng pamunuan ng San Lazaro Hospital na hindi sila kailanman humihingi ng pera, donasyon, o anumang sensitibong detalye sa pamamagitan ng text, social media, o tawag sa cellphone.
Muli nilang paalala na kung makatanggap ng kahina-hinalang mensahe o tawag mula sa hindi kilalang numero, mabuting huwag itong sagutin at agad na i-report sa opisyal na hotline (02) 5310-3216 o direktang ipagbigay-alam sa tanggapan ng ospital.
Pinaalalahanan din ng San Lazaro Hospital ang publiko na maging mas mapagmatyag upang maiwasan ang panloloko, lalo na’t mas madalas itong mangyari tuwing holiday season.









