Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na magsuot na rin ng face masks kahit na nasa loob ng bahay para maprotektahan nila ang kanilang mga sarili mula sa COVID-19.
Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, ang mga taong hindi makasunod sa minimum health standards sa labas ng kanilang bahay ay dapat ikonsiderang magsuot ng face mask para maiwasang madala at maikalat ang virus sa loob ng kanilang mga bahay.
Importante aniyang nasusunod ang health protocols para na rin sa kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya lalo na kung may mga kasamang bata, matatanda at mayroong medical conditions.
Dapat ding bantayan ng publiko ang kani-kanilang mga sarili para sa posibleng sintomas ng COVID-19.
Ang paalala ng kagawaran ay sa harap ng paglobo ng halos 8,000 ang naitatalang kaso ng COVID-19 kada araw sa bansa.