Publiko, dapat nang magtipid sa tubig ayon sa PAGASA

Dedesisyunan ng National Water Resources Board (NWRB) sa susunod na linggo ang magiging alokasyon nito ng tubig sa Metro Manila.

Kasunod ito ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pagbagsak pa ng lebel ng tubig sa Angat Dam pagsapit ng Abril.

Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., mahigpit nilang binabantayan ang sitwasyon ng water supply at tiniyak na agad ipapaalam sa publiko ang anumang pagbabago.


Sa ngayon, patuloy na nakakakuha ng 48 cubic meters per second ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na siya naman nitong ipinamamahagi sa mga water concessionaire.

Sa isang online forum, sinabi ni PAGASA Hydrologist Richard Orendain na posibleng sumadsad pa sa mas mababa sa minimum operating standard na 180 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa kalagitnaan ng Mayo na malayo sa normal high water level na 212 meters.

Kaya naman payo ng PAGASA at ng NWRB sa publiko, simulan nang magtipid sa paggamit ng tubig.

Samantala, kumikilos na rin ang Local Water Utilities Administration (LWUA) para maiwasan ang pakawala ng supply ng tubig ngayong tag-init.

Facebook Comments