Publiko, dapat nang masanay sa style ng pananalita ni Pangulong Duterte – political analyst

Dapat nang masanay ang mga tao sa style ng pananalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod ito ng pagkadismaya ng marami sa hindi pagtupad ng Pangulo sa pangako nitong magje-jet ski sa West Philippine Sea at magtitirik doon ng watawat ng Pilipinas na kalauna’y sinabi niyang ‘joke’ lamang.

Sabi ni Defense expert UP Prof. Clarita Carlos, halata naman kasi na nagbibiro lang ang pangulo.


“Obvious na obvious naman na yun ay hindi totoo, syempre hindi naman niya pwedeng gawin yun. Pero marami sa publiko, naniniwala sa kanya, so kasalanan din nila yun,” ani Carlos sa interview ng RMN Manila.

“Kasi may mga botante na maski anong gawin mo, magtumbling-tumbling siya, susuporta pa rin. Pero may mga botante naman na maski anong gawin niya, anong sabihin niya, ayaw pa rin sa kanya. Iba-iba ang publiko e.”

Giit pa ni Carlos, hindi pwedeng magsiga-sigaan ang Pilipinas sa China dahil na rin sa limitasyon ng bansa.

“Hindi ka pwedeng magpakasanggano diyan at bungguin moa ng China dahil pipitikin ka lang niyan,” aniya.

“Marami kasing limitasyon, sabi ko nga, yung arbitral award, wala namang na-awardan to anybody. It is just a piece of paper kung hindi mo yan tutukuran ng pwersa, di ba?”

“Dapat yan ang ginawa noon pa na yung Coast Guard at mga fishing boat natin ay talagang magpupumilit na mangisda dyan, in the meanwhile, magkakaroon ng back channel talks habang si Locsin ay [naghahain] ng diplomatic protest,” giit pa ng defense expert.

Ayon naman kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, joke man o hindi ang naging campaign promise ni Pangulong Duterte, wala namang magagawa ang bansa kung nagmamatigas ang China dahil wala namang nag-e-enforce sa arbitral tribunal ruling.

Facebook Comments