Dumagsa ang mga tao sa ilang kilalang pasyalan sa Metro Manila nitong weekend matapos ibaba sa Alert Level 3 ang buong rehiyon na nagsimula nitong Sabado, October 16.
Ilan sa mga pasyalang ito ay ang dolomite beach sa Manila Bay, Quirino Grandstand sa Ermita sa Manila at ang Cultural Center of the Philippines (CCP).
Nahirapan naman ang mga otoridad na panatilihing nasusunod ng publikong nagtungo sa lugar ang health protocols at social distancing dahil dagsa ang mga ito.
Sa ngayon, dahil sa dami ng tao ay nababahala si Dr. Maricar Limpin, presidente ng Philippine College of Physicians dahil sa pre-pandemic na tagpo.
Posible kasi aniya magdulot pa ito ng muling pagtaas ng kaso lalo’t maraming tao ang nasa labas.
Kahit naman nakikita na ang pagbaba ng mga kaso, iginiit ni Dr. Rontgene Solante isang Infectious Disease Expert na hindi dapat magpakampante ang publiko dahil hindi pa rin nawawala ang virus.
Matatandaang kahapon, bumaba na lamang sa 6,913 ang panibagong nahawa sa COVID-19 sa bansa kung saan nasa 2,720,368 na ang kabuuang kaso sa bansa.