Nanawagan ang National Task Force Against COVID-19 sa publiko na huwag dapat magpakampante kasabay ng pagpapagaan ng lockdown restrictions sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ayon kay NTF Spokesperson, Retired General Restituto Padilla, napansin nila na nagdagsaan muli ang mga tao sa mga establisyimento at negosyong pinayagang magbukas, tulad ng mga mall.
Aniya, nakakabahala ang mga ganitong sitwasyon at posibleng hindi pa rin naiintindihan ng ilan ang banta ng COVID-19.
Una nang nagbabala ang pamahalaan na maaari muling itaas sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang mga lugar na binawi o ibinaba na ang lebel ng lockdown restrictions kapag muling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Nagbabala rin ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga may-ari at pamunuan ng mga mall na maaari nila muling ipasara ang mga ito kapag nalabag ang social distancing protocols.
Umapela ang Malacañang sa publiko na manatili sa loob ng bahay dahil ang pagpapaluwag ng lockdown restrictions ay para sa muling paggulong ng ekonomiya, at hindi dahil ang Pilipinas ay ligtas na mula sa COVID-19.