Nanawagan ang Department of Health (DOH) ang publiko na huwag ibaba ang ibayong pag-iingat sa kabila ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 bunga ng pagpapatupad ng mahigpit na quarantine measures.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lumalabas lamang na nagiging epektibo ang mga ginagawang hakbang para makontrol ang virus pero hindi pa ito sapat para maipababa ang bilang ng kaso.
Ugaliin pa rin aniya ng publiko na sundin ang minimum health standards lalo na at ang average daily attack rate ng virus sa ilang lugar kabilang ang Metro Manila ay nananatiling mataas.
Pinaigting na rin ang pandemic response efforts, kabilang ang localized response, pagpapalawak ng healthcare system, pag-angat ng testing capacity at pagpapahusay ng isolation facilities.