Cauayan City, Isabela- Wala umanong dapat ipangamba at ikatakot ang publiko sa Anti-Terrorism Bill.
Ito ang inihayag nina SSgt Jake Lopez ng 502nd Infantry Brigade at SSgt Benjie Maribbay ng 86th Infantry Battalion sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanila sa programang Sentro Serbisyo.
Ayon kay SSgt. Jake Lopez, isang daang (100) porsyento itong sumusuporta sa panukalang batas dahil maganda aniya ang layunin nito upang masawata ang mga terorista na gumugulo o planong manggulo sa ating bansa.
Para din aniya ito sa seguridad ng taongbayan laban sa mga teroristang nagnanais sirain ang buhay ng mga Pilipino.
Iginiit naman ni SSgt Benjie Maribbay, tanging mga terorista, supporter o kaalyado lamang nila ang dapat matakot sa Anti-Terrorism Bill dahil malinaw naman aniya kung ano ang sakop nito sakaling maging batas.
Naniniwala ito na malaki ang maitutulong ng bagong panukalang batas upang maiwasan na maging kanlungan ng mga terorista ang Pilipinas.
Ayon pa kay SSgt Lopez, lumiliit na ang lugar na ginagalawan ng mga makakaliwang grupo lalo na sa nasasakupan ng 5th Infantry Division kaya’t kanyang hinihikayat ang lahat ng mga natitira pa sa kilusan na magbalik loob na lamang sa gobyerno.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Armando Velasco, dating COMELEC Commissioner sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya sa programang “Alamin sa May Alam”, hindi na aniya bago ang Warrantless arrest sa bansa at normal na lamang na sa tuwing may bagong batas sa Pilipinas ay marami ang kumukwestiyon o sumasalungat dito.
Nangangamba lamang aniya ito sa magiging implimentasyon nito kung tuluyan na itong maging batas dahil marami aniya ang magkakaiba ang interpretasyon sa naturang panukala.
Gayunman, naniniwala naman si Atty. Velasco sa layon nitong maprotektahan ang sambayanang Pilipino laban sa kamay ng mga terorista.
Sa ilalim kasi ng panukalang batas, tanging mga magmumungkahi, magbubuyo, magsasabwatan at makikibahagi sa pagpaplano, pagtuturo, paghahanda at pagbibigay-daan sa mga gawaing terorista, mga mag-aambag at magre-recruit ng mga kasapi sa mga teroristang grupo ang mga papatawan ng parusa.