Publiko, hinikayat na mag-donate ng dugo at plasma ngayong panahon ng pandemya

Hinikayat ni Senator Risa Hontiveros ang lahat ng Pilipino na boluntaryong magbigay ng dugo upang maging instrumento sa pagligtas sa buhay ng isa’t-isa.

Ito ay dahil sa bumababang suplay ng dugo sa bansa.

Ayon kay Hontiveros, kailangang masigurado ang sapat na supply ng dugo para matulungan ang mga tinamaan ng COVID-19, at matugunan ang mga backlog sa ospital dahil sa dami ng na-waitlist, na-reschedule, o na-cancel, dahil sa pandemya.


Bukod sa dugo ay hiniling din ni Hontiveros ang pagdonate ng plasma para sa mga COVID patient, mga pasyenteng ooperahan, nangangailangan ng organ transplant, mga may cancer, may anemia, atbp.

Kinilala naman ni Hontiveros ang pagsisikap ng Department of Health (DOH) National Voluntary Blood Services Program upang gawing mas madali para sa mga potensyal na donor na mapunan ang supply.

Tinukoy ni Hontiveros ang pagkakaroon ng sariling pass para sa mga potential donors lalo na ang mga nasa ilalim pa rin ng mahigpit na community quarantine gayundin ang mga lugar na may free shuttle para sa mga donors.

Gayunman, hinimok pa rin ni Hontiveros ang DOH na dagdagan ang kanilang information drive upang hikayatin ang mas marami pang mga tao na pumunta sa mga blood service facilities tulad ng Philippine Red Cross.

Facebook Comments