
Sa kabila ng kaliwa’t kanang handaan ngayong panahon ng Kapaskuhan, hinihimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na gawin pa rin ang mga hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan.
Sa ginanap na media conference, sinabi ni Dr. Maricar Limpin ng Philippine Heart Center na posibleng makaranas ang karamihan ng tinatawag na “holiday heart syndrome,” o isang kondisyon sa sakit ng puso bunsod ng sobrang pag-inom ng alak.
Aniya, nararanasan ito kapag sumobra ang pag-inom sa loob ng dalawang oras, kung saan lagpas na ng limang bote ng beer at higit pa sa mga hard liquor.
Bukod dito, base sa kasalukuyang datos, karamihan ng tumaas na kaso nito ay pawang mga kalalakihan, dahil 7 sa 10 ay manginginom.
Dagdag pa ni Limpin, dalawa sa sampung kababaihan ang naitatalang umiinom ng alak, habang dumarami na rin ang bilang ng mga kabataan.
Aniya, kadalasan nararamdaman ng isang indibidwal na sobra ang pag-inom ng alak kapag bumibilis ang tibok ng puso, pananakit ng dibdib, kinakapos sa paghinga, pagkahilo, at pagkawala ng malay.
Muling iginiit ni Limpin na kung kakayanin, iwasan na ang pag-inom ng alak at sundin pa rin ang mga pamamaraan ng healthy living, tulad ng pagkain ng mga masusustansiyang pagkain at regular na pag-eehersisyo.









